DOH Bicol, naghahanda na sa isasagawang Measles, Rubella and Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity sa susunod na buwan

LEGAZPI CITY – Naghahanda na ang Department of Health (DOH) Bicol sa isasagawang Measles-Rubella and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR OPV SIA) 2023 sa buwan ng Mayo.

Ito ay upang masiguro na ang bawat bata ay protektado laban sa mga sakit na measles, rubella at polio.

Nagsagawa ang mga local chief executives at stakeholders ng symposium kasama ang ahensya upang ipahayag sa mga LGUs ang kahalagahan ng isasagawang actibidad.

Pinuntahan ng DOH Bicol ang anim na mga lalawigan sa rehiyon upang siguruhin ang suporta at tagumpay nito.

Maliban sa symposium, nagkaroon na rin ng press conference patungkol sa measles, rubella at polio, kung saan inihayag ni National Immunization Program (NIP) Regional Medical Coordinator, Dr. Desiree Bricenio, ang banta ng pagtaas ng kaso ng ng mga ito dahil sa naantalang pagbabakuna.

Dahil umano sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga batang nababakunahan laban sa mga sakit na ito, tumataas ang susceptible population ng bansa na dahilan ng pagkakaroon ng nabanggit na mga sakit sa rehiyon noong nakaraang taon.

Paalala naman ni DOH Bicol Regional Director, Dr. Ernie V. Vera, ang mga sakit na measles, rubella at polio ay walang gamot at tanging bakuna lamang ang paraan upang ito ay maiwasan.

Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang pagkakaisa upang maprotektahan ang mga bata laban sa mga sakit na maaari naman maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *