DOH Bicol nilinaw na hindi nakauwi sa rehiyon ang bicolanong nagpositibo sa Delta variant ng COVID-19

BICOL—Nilinaw ng Department of Health (DOH) Bicol na hindi pa nakakauwi sa rehiyon ang Bicolanong napaulat na tinamaan ng Delta variant ng COVID-19.

Sa gitna ito ng pangamba ng mga Bicolano na napasok na ng naturang strain ng virus ang rehiyon na ayon sa mga eksperto mas nakakahawa at nakamamatay kumpara sa mother variant ng coronavirus.

Sa pahayag ng kagawaran, sa 12 Delta cases sa bansa, isa nito ay mula sa Bicol region pero kasalukuyan umano itong nagtatrabaho sa National Capital Region (NCR) at doon na rin na-test positive.

Isa itong 27-anyos na babaeng mula sa lalawigan ng Sorsogon pero tatlong taon na umano itong hindi nakakauwi sa Bicol o binibisita ng mga kaanak nito mula sa rehiyon.

Hunyo 25 nang kuhanan ng specimen ang nasabing pasyente sa Lung Center of the Philippines at base sa genome sequencing ay nakitaan ito ng Delta variant ng COVID-19.

Kaugnay nito ay muling ipinaalala ng DOH Bicol na sa gitna ng banta ng naturang coronavirus strain, ang Minimum Public Health Standards pa rin ang pinakamabisang preventive measures laban sa lahat ng mutations ng virus.

Kabilang dito ang tamang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng mga kamay, pagsunod sa social distancing at pag-iwa sa mga siksikan at kulob na lugar.###  || SLM

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *