DOH-CHD Bicol nag-abiso vs hindi pagsusumite ng kumpletong impormasyon hinggil sa mga nagpopositibo sa COVID-19

BNFM BICOL—Naglabas ng Regional Advisory ang Department of Health –Center for Health Development (DOH-CHD) Bicol laban sa hindi pagsusumite ng kumpletong impormasyon hinggil sa mga nagpopositibo sa COVID-19.

Kasunod ito ng panibagong surge o pagtaas ng kaso ng coronavirus sa rehiyon na ngayon ay umaabot na sa mahigit 9,000.

Sa Regional Advisory 2021-0182, nakasaad na lahat ng mga doktor sa pampubliko at pribadong ospital, mga allied medical personnel, professional societies, ospital, clinic, health facilities, laboratories, institutions, workplaces, eskwelahan, prison facilities, mga pantalan, paliparan, mga establisimiento, komunidad, mga tanggapn ng gobyerno at Non-government organizations ay obligadong magbigay ng kumpletong impormasyon kaugnay sa kaso ng COVID-19 sa mga kinauukulan.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga akmang impormasyon sa COVID-19 Case Investigation Form (CIF) ng lahat ng mga concerned stakeholders.

Anumang mali o kulang na impormasyon ay maaari umanong magkompromiso sa mga ginagawang preventive measures at management plan laban sa coronavirus pandemic.

Sinumang hindi susunod dito ay mahaharap sa paglabag sa R.A 11332 o ang “Mandatory reporting of Notifiable Diseases and health events of public health concern Act” kabilang ang pagtamper ng record o intensyunal na hindi pagbibigay ng akmang impormasyon at kawalan ng kooperasyon ng mga tao o entity sa pagrereport ng mga kaso ng sakit na maaaring makaaapekto sa publiko.

Maaaring maharap sa hindi bababa sa isang buwan at hindi lalagpas sa anim na buwang pagkakaulong at multang hindi bababa sa P20,000 at hindi lalagpas sa P50,000 ang mga mapapatunayang lumabag dito.

Maliban dito, maaaring suspendihin o matanggalan ng lisensya ang mga medical professionals at ng Civil Service Eligibility naman ang mga public servants.

Kung ang paglabag naman ay nagawa ng isang opisina, establisimiento o institusyon, magiging liable ang Chief Executive Officer, Manager, Presidente o Officer-in-charge nito at maaari pang makansela o matanggal ang license to operate o business permit ng concerned entity.

Bunsod nito, inaabisuhan ang publiko at lahat ng concerned stakeholders na tiyakin ang istriktong kooperasyon at pagsunod sa tamang pagrereport ng mga kaso ng sakit sa kanilang area of jurisdiction.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *