CAMARINES NORTE- Inirekomenda ng Department of Health na paigtingin ang mga dati nang epektibong hakbang sa paglaban sa COVID- 19 ngayong tumataas na naman muli ang mga kaso.
Sa ginawang pagpupulong nitong Miyerkules na pinangunahan ni Governor Ricarte “Dong” Padilla, sinabi ni DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola na dapat paigtingin ang Prevention, Detection, Isolation, Treatment and Reintegration.
Dapat din umanong ituloy ang referral system, kung saan ang bawat LGU ay may Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMF)para ang mga dadalhin sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) ay ang severe at critical cases lang.
Nananatili din aniya ang allotted beds sa COVID-19 patients sa thirty percent (30%) kapag government hospital at 20 % sa private hospitals alinsunod sa Bayanihan to Recover as One Act.
Binigyang diin din ni Iraola na gawin pa rin ang BIDA Solusyon – B– awal walang mask, I– sanitize ang mga kamay D– umistansya ng isang metro at A– lamin ang totoong impormasyon.
Kasabay nito ay hinikayat din ni Iraola ang lahat na suportahan ang massive vaccination sa measles, rubella, at polio supplemental immunization activity na sisimulan sa lalawigan sa Martes, May 2.
