DOH muling hinimok ang publiko na huwag mamili ng brand ng COVID- 19 vaccine

CAMARINES NORTE – Muling hinimok ng Department of Health ang publiko na huwag nang mamili ng brand ng COVID- 19 vaccine at huwag matakot magpabakuna

Ito’y kahit tila nababawasan na ang vaccine hesitancy at patunay dito ang haba ng pila sa mga vaccination site.

Ayon kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola dapat maunawaan ng publiko na lahat ng bakuna na aprubado ng Food and Drugs Administration ay mabisa at epektibong panlaban sa COVID- 19

Aniya, mayroon pa ring ilan na ayaw magpabakuna o natatakot at hindi pa gaanong aware sa proteksyong dulot ng bakuna.

Sabi ni Iraola, huwag dapat maniwala sa mga maling impormasyong ipinapakalat tungkol sa bakuna.

Pinasalamatan din nito ang lahat na tumulong sa katatapos lang na national vaccination days mula sa iba’t- ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong grupo at lalong lalo na ang mga health workers at lahat ng taong tumugon sa panawagang magpabakuna.

“So yun po yung dapat nating maintindihan, wala nang pilian, ang importante mabakunahan tayo kahit anong bakuna kasi yun naman ay aprubado ng Food and Drugs Administration natin dito sa ating bansa, so wala po tayong ikakatakot na hindi ligtas o hindi safe and effective or epektibo ang ibabakuna sa atin, ang importante at ang mas mabisa at mas magandang bakuna ay yung pumasok sa katawan natin para hindi tayo maunahan ng epekto ni Covid.”

Samantala, nadagdagan naman ng isang kaso ng Delta variant ang lalawigan ng Camarines Norte batay sa Biosurveillance report na inilabas ng DOH Bicol kahapon.

Dahil dito nasa 36 na ang kaso ng Delta variant habang nananatiling 7 ang Beta.

Nagpaalala naman si Iraola na patuloy na sundin ang minimum health standards kahit pa mababa na ang kaso ng COVID- 19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *