DOJ’s Remulla, DILG’s Abalos, ‘IN’ sa CA; DOLE’s Laguesma, ‘di pa nakalusot

Inaprubahan na ng makapangyarihang Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Justice Secretary Boying Remulla.

Ginisa ng mga miyembro nito ang mga programa’t hakbang ng DoJ pati na rin ang kanilang attached agencies.

Tinanong din ng mga mambabatas ang updates sa mga prosecution ng mga nakaraang isyu sa bansa kabilang na ang pastillas scam.

Wi-nelcome naman ni Senadora Risa Hontiveros ang pagsusumite ng DoJ, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, ng kanilang report sa International Criminal Court.

Sa kabial nito, nanindigan pa rin si Remulla na hindi na kailangan ng ICC sa bansa dahil mayroon tayong gumugulong na sariling Hudikatura.

Mabilis naman ding inaprubahan ng Kumite ang appointment ni Remulla.

Samantala, pagkatapos sumalang ni Remulla ay humarap din sa CA si Interior Secretary Benhur Abalos.

Hinimay ng mga Kongresista ang mga hakbang ng Philippine National Police para matugunan ang kriminalidad sa bansa.

Inisa-isa rin ang mga pamamaraan para sa planong pagpapatuloy ng giyera laban sa iligal na droga ng nakaraaang administrasyon.

Tiniyak ni Abalos na anumang mga operasyon na isinasagawa ng PNP ay sumusunod pa rin sa mga itinatakda ng batas at igagalang ang karapatang pantao ng lahat ng mga partido.

Nakalusot din si Abalos sa CA.

Pansamantala namang na-defer ang confirmation hearing para sa ad interim appointment ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma.

Sinuspinde ng Commission on Appointments- committee on labor, employment social welfare and migrant workers ang pagdinig dahil sa kakulangan ng oras.

Itinakda naman ang pagre-resume ng CA hearing sa susunod na linggo, September 20.

Bago pa man ma-defer, sinagot isa-isa ni Laguesma ang tanong ng mga Kongresista hinggil sa mga labor issues sa Pilipinas.

Tiniyak naman ng Kalihim na magfo-focus ang kanilang Kagawaran sa job generation at pagpapatibay sa mga hakbang para sa kabutiran ng mga manggagawang Pilipino.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *