Naniniwala si Nueva Ecija Third District Representative Ria Vergara na napapanahon ang pag-aangkat ng bigas sa bansa sa harap ng patuloy na paglobo ng populasyon.
Tugon ito ni Vergara sa deklarasyon ng United States Department of Agriculture na number 1 importer na ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo.

Sinabi ng kongresista na hindi kakayanin ng domestic production ang paglaki ng populasyon lalo’t inaasahang aabot ito sa 145 million Filipinos pagsapit ng taong 2050.
Iginiit ni Vergara na hindi sasapat ang sampung bilyong piso mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund para tulungan ang mga magsasaka dahil hindi naman lahat ay makikinabang dito.
May kakulangan din aniya ang pondo ng National Irrigation Admnistration para magdagdag ng irrigation facilities at Philippine Crop Insurance Corporation para magkaroon ng insurance ang mga apektadong ani dulot ng climate change.
Maging sa farm-to-market roads ay kulang umano ang bansa at humaharap pa sa problema ng hoarding, smuggling at rice cartel na siyang dahilan ng artificial shortage upang sumipa ang presyo.
Dagdag pa nito, laging kakarampot ang alokasyon para sa sektor ng agrikultura at patunay dito ang 197 billion pesos para sa susunod na taon na katumbas lang ng 3 percent ng panukalang pambansang budget.