Donasyong gulay para sa barangay, tinanggihan umano ng Kapitan

Tinanggihan umano ng barangay kapitan ng Disimuray, Cauayan City ang donasyon na gulay mula sa grupo ng mga trailer truck driver sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Prima Fernandez, isang OFW na residente ng nasabing barangay na siyang naging daan upang maidala ang donasyon na mula sa Nueva Vizcaya patungo sa kanilang lugar.

Si Gng. Fernandez ay asawa ng isa sa lider ng grupo ng mga Trailer Truck Driver mula sa Nueva Vizcaya.

Ayon sa kwento ni Gng. Fernandez, unang nagkaroon ng usapan sila ng SK Chairman na si Charleston Cruz  na magbibigay ng donasyong gulay ang grupo ng kanyang asawa at agad naman itong ipinaalam kay Kapitan na agad naman umano niyang inaprubahan.

Kaninang madaling araw lamang ay ibinayahe na ang isang trailer truck na puno ng gulay na ibibigay sa Brgy. Disimuray at isa pang barangay sa City of Ilagan.

Nang makarating na umano ang truck sa lungsod ay agad namang tinawagan ni Gng. Fernandez ang SK Chairman upang kunin ang mga ibibigay na donasyon na agad naman niya niyang ipinaalam sa Punong Barangay. 

Nagulat nalang umano si Gng. Fernandez nang biglang nag-iba umano ang desisyon ni Kapitan at tinanggihan niya ito dahil pag-aagawan lang umano ang mga ito at walang bakanteng sasakyan ang barangay upang kumuha dito.

Ang sana’y donasyon sa nasabing barangay ay idinala na lamang lahat sa City Of Ilagan.

Ayon pay kay Gng. Fernandez, isa rin sa kanyang tinitignang dahilan ay ang umano’y dati nilang alitan ngunit sana ay isantabi muna at manaig ang pagtulong sa kapwa lalo na sa gitna ng pandemya.

Samantala, sa inisyal na pahayag ni Punong Barangay Pablo Pabigayan, wala umano siyang alam sa transakyon dahil ang SK at si Gng. Fernandez ang magkausap ukol sa donasyon.

Itinanggi rin  ng opisyal ang umano’y hindi pagtanggap sa naturang donasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *