DOST graduates, kailangan muna na magtrabaho ng 3 taon sa bansa bago payagang makapag-abroad

Kinakailangan munang manilbihan sa bansa sa loob ng tatlong taon ang mga nagsipagtapos na Department of Science and Technology (DOST) scholars bago ang mga ito mapayagang magtrabaho sa ibang bansa.

Ito ang binigyang diin ni DOST-Sorsogon Provincial Director Engr. Sandro Noguera.

Ayon dito, layunin ng nasabing kondisyon na makapagsilbi muna sa Pilipinas ang naturang mga graduates at magkaroon ng ambag sa pagpapalago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga nalalaman sa agham at siyensya bilang mga skolar ng bayan na pinag-aral mula sa buwis ng taumbayan.

Gayunpama,n sinabi ng opisyal na kung talagang ayaw ng iskolar na magtrabaho sa bansa at nais sumubok ng ibang opurtunidad abroad ay kailangan niyang bayaran ang lahat ng ginastos ng gobyerno sa kanyang pag-aaral mula sa tuition fees hanggang sa kanyang mga allowances.

Pagtitiyak ng opisyal, ang mga DOST graduates ay maraming mapapasukang trabaho sa bansa at prayoridad din umano ang mga ito na makapagtrabaho sa ahensya bilang katuwang sa pagpapalakas ng kanilang mga isinusulong na mga programa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *