Nanawagan si Transportation Secretary Jaime Bautista sa mga transport groups na magkaroon muna ng dayalogo sa mga kinauukulang opisyal, bago magsagawa ng week-long strike na magdudulot ng magkaparalisa sa transport system.
Ang planong transport holiday sa National Capital Region at Region 3 mula March 6 hanggang 12 ay ikakasa para ihayag ang kanilang pagtutol sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Ayon kay Bautista, kailangang isgawa ang dayalogo para maintindihan ang posisyon ng bawat isa kaugnay sa modernization program.
Dahil dito, inatasan na ng DOTr chief ang Undersecretary for Road Sector para makipag-ugnayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga operator kaugnay sa naturang usapin.
Nilinaw din nito na nagbibigay ang gobyerno ng sapat na panahon para makaipon ang transport groups ng sapat na pondo para makabili ng bagong units para sa kanilang operasyon na may kaugnayan sa PUV modernization program.”
Giit din ni Bautista, walang mangyayaring phase out sa mga lumang jeepney units sa mga lugar na hindi makakabili ang mga grupo ng bagong units para sa kanilang designated na ruta.