Isinasagawa na ng Dept of Public Works and Highways ang konstruksyon ng mahigit P140M na access road patungo sa Pasiagon Beach, Balay na Bato at Esperanza Sea Port sa lalawigan ng Masbate.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ang kalsada ay bahagi ng construction at improvement ng Esperanza-Placer road.
Ito aniya ay isang propyekto sa ilalim ng ng Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) ng DPWH kasabay ng Dept of Tourism (DOT).
Ang two-lane concrete road seawall project, na kasalukuyang ginagawa sa coastal portion ng Brgy Masbaron, Villa Agoho, Sorosimbahan at Domorog sa munisipalidad ng Esperanza at malapit nang itayo sa Brgy Naocondiot at Taboc sa munisipalidad ng Placer, ay magsisislbi ring ‘first line of defense’ laban sa mga alon sa coastal areas.
Sa ngayon, nagawa na ng DPWH Masbate 3rd District Engineering Office ang 89% ng isinasagawang tourism project.
Ang proyekto na nagkakahalaga ng P144.8M ay pinondohan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA). Ito ay target na matapos sa Enero 2024.
Dagdag pa ni Bonoan, kapag nakumpleto, ito ay magbibigay-daan sa mas mahusay na pag-access sa iba’t-ibang mga destinasyon ng turista sa bayan ng Placer at Esperanza, na lilikha ng mas maraming trabaho at pagkakataon sa pagkakakitaan sa naturang lugar.
