CAMARINES NORTE- Inihayag ng Land Transportation Office (LTO) na walang huli ang mga nagpasong driver’s license simula Abril 24 kung walang ibang violation.
Ito ay makaraang ipag- utos ni LTO chief Asec. Jay Art Tugade ang pagpapalawig ng bisa ng driver’s license na nagpaso o nai-expired simula Abril 24.
Kasunod yan ng paglagda ni Tugade sa isang Memorandum Circular na nagpapalawig ng validity ng lisensiya hanggang sa Oktubre 31.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni LTO Daet Assistant Chief Roberto Candelaria na kung ang violation ay tungkol sa lisensya na nagpaso sa nabanggit na panahon ay hindi ito huhulihin at maituturing na waived o hindi na sisingilin ang multa sa late renewal.
Maliban na lang umano kung ibang violations tulad ng seat belt, walang suot na helmet at iba pang paglabag.
Ginawa ang hakbang na ito ng LTO sa gitna na rin ng nararanasang kakapusan ng suplay ng license cards sa lahat ng opisina ng ahensiya sa bansa.
