CAMARINES NORTE – Nilinaw ng Department of Trade and Industry na hindi ito mag-iisyu ng notice of violation sa mga rice retailer na lalabag sa price cap.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay DTI Bicol OIC-Regional Director Dindo Nabol sinabi nito na sa ilalim ng Executive Order No 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. monitoring at profiling lang ang ibinigay sa kanilang mandato dahil sa ilalim umano ng Price Act ay Department of Agriculture ang mag-i-enforce.
Layon umano ng ginagawa nilang monitoring at profiling na magrekomenda kung sino ang magka-qualify sa financial assistance na ibinibigay naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga retailer na maapektuhan ng price cap.
Nilinaw rin ni Nabol na ang mga rice retailers lang na nagbebenta ng regular at well milled rice ang qualified sa financial assistance.
Tinatayang nasa mahigit 700 nang mga retailer sa Bicol ang na-profile ng DTI at patuloy itong nadadagdagan.
Ito aniya ang pinagbasehan nila ng ipinamigay na financial assistance sa nagdaang dalawang araw.
