Pabor si Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito sa pagpapalakas ng Department of Migrant Workers (DMW) sa halip na maglaan ng panukalang P20 milyong confidential fund para sa ahensya.
Sa pagdinig ng panukalang 2024 budget ng DMW, isinusulong ni Sen. Raffy Tulfo ang alokasyon na P20 milyon confidential fund para sa DMW upang puksain ang human trafficking at hulihin ang mga illegal recruiter sa bansa.
Tinutulan naman ito ni Sen. JV Ejercito at sinabi niya na mas mabuting ibigay na lang ang confidential intelligence funds sa mga departamento o ahensya na namamahala sa seguridad ng bansa.
Samantala, tiniyak naman ng DMW na ang dagdag pondo ay gagastusin sa maayos na paraan hindi lamang sa kanilang local operation kundi maging sa migrant workers offices abroad.
Bukod dito, naniniwala si Sen. Ejercito, na kailangang gumawa ng kaukulang aksyon ang pamahalaan sa gitna ng lumalalang isyu ng human trafficking base na rin sa reklamo ng publiko tungkol sa outbound screening process.