Emergency Power Service Interruption sa mga Lalawigan sa Luzon asahan dahil sa mataas na demand sa kuryente

CAMARINES NORTE- Nag abiso ang Camarines Norte Electric Cooperative hinggil sa posibilidad ng mga Emergency Power Service Interruption sa lalawigan at mga probinsya ng Luzon.

Ito umano ay dahil sa makailang beses nang isinailalim sa Yellow at Red Alert ang Luzon Power Grid nitong mga nakaraang araw at buwan.

Sa isang pahayag sinabi ng CANORECO na mataas pa rin ang demand sa kuryente bunsod ng nararanasang mainit na temperatura kahit pa nga opisyal ng nagsimula ang panahon ng tag ulan noon pang Mayo.

Ang Red Alert ay nagpapahiwatig ng hindi sapat na suplay ng kuryente sa Power Grid habang  ang Yellow Alert naman ay nagpapahiwatig ng pagbaba ng suplay ng kuryente sa Power Grid.

Ang White Alert naman ay nagpapahiwatig ng sapat na suplay ng kuryente sa Power Grid.

Ang National  Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang nagmo-monitor at nag-aabiso tungkol dito.

Batay sa mga abiso ng NGCP, ang suplay ng kuryente ay apektado ng hindi planado o sapilitang power outages ng mga planta ng kuryente.

Halimbawa, ang mga problemang pangteknikal sa mga planta ng kuryente ay maaaring humantong sa pagkasira nila na makakaapekto sa dami ng kuryente na maipapadala nila sa Power Grid.

Nangangahulugan ito ng kakulangan sa Total Megawatts na maibibigay ng Power Grid sa mga kliyente nito gaya ng CANORECO.

Ipinaliwanag rin ng naturang kooperatiba ng kuryente ang tungkol sa Automatic Load Dropping o ALD.

Ito ang proseso ng awtomatiko at sadyang pag-aalis ng mga pre-selected load mula sa isang Power System bilang tugon sa isang abnormal na kondisyon upang mapanatili ang integridad ng buong System.

Biglaan ang pag-alis ng suplay ng kuryente sa isa o ilang probinsya dahil sa biglaang pagbaba at hindi pag sapat ng suplay ng kuryente sa Power Grid.

Wala itong paunang abiso mula sa NGCP dahil ito ay biglaan at hindi inaasahan.

Nagpapadala na lamang ang NGCP ng Official Statement sa mga naapektuhang Electric Cooperative at Distribution Utility pagkatapos.

Ngayong taon ay limang  ALD na ang naranasan sa Camarines Norte simula noong Abril hanggang nito lamang June 18.

Sabi ng Canoreco, makakatulong ang mga kunsomidores sa pagpapanatili ng sapat na suplay sa pamamagitan ng pagtitipid sa paggamit ng kuryente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *