Estate tax amnesty hanggang Hunyo na lang nitong taon, tagapagmana ng qualified estates pinaalalahanan ng BIR

CAMARINES NORTE- Nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue sa heirs o tagapagmana ng qualified estates na hanggang Hunyo 14 na lang ng taong kasalukuyan ang pag- avail ng estate tax amnesty.

Ito ay matapos na palawigin ng dalawa pang taon ang programa noong 2021.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Revenue District Officer Felix Roy sinabi nitong 2019 pa dapat ito nagtapos pero dahil sa COVID- 19 pandemic ay pinalawig ito ng dalawa pang taon.

Gusto naming ipaalam, i- campaign actually doon sa may mga properties na namatay ng December 31 , 2017 pababa, so kung kayo ay may mga kamag anak, kapatid o kaibigan o kahit sino na alam niyo na pwede nating tulungan o ma- avail itong estate tax amnesty program ng government eh hanggang June 14, 2023 lang ito,” ani Roy.

Aniya, sayang naman kung hindi ma- aavail ang programa dahil 6 percent lang ang bayaran at wala nang penalty.

“I-avail niyo po ito kasi wala pong penalty ito eh, pag i- file mo imagine 6 percent lang ang bayaran mo, wala kang penalty at saka mabilis ang proseso nito.”

Sakop  ng amnesty ang estate of decedents na namatay bago ang December 31, 2017 na ang estate taxes ay hindi pa nababayaran o naipon hanggang sa nabanggit na petsa.

Ang checklist ng mga required documents ay makikita sa website ng BIR.

“Dapat alam mo kung ano yung mga property ng namatay so may mga heirs ba ito, may mga tagapagmana ba ito, so dapat malaman nila kung sino ang mga tagapagmana tapos ilalagay nila sa dokumento kung saan pupunta yung mga property nito, so yan ang tinatawag na kung magkakasundo sila ito ang tinatawag na  extra judicial settlement, importante ito kasi doon namin malalaman kung kanino pupunta yung mga property tapos lahat ng mga heirs nito kung wala pa silang Tax Identification Number (TIN) eh mag apply din sila, kailangan nila ng Birth  certificate para maproseso yun, so lahat ng heirs, so yun ang isa sa dokumento kailangan, pangalawa kailangan natin ng titulo ng mga property ng lupa kung may improvement ito kailangan din natin ang tax declaration para makita natin ang value ng property doon natin kukumpyutin kasi sa value ikukumpara na natin sa zonal valuation na nandito sa BIR whichever is higher dun tayo magbabase ng 6 percent,” paliwanag pa ng opisyal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *