Estudyante, patay matapos masuntok sa leeg ng kaklaseng naalimpungatan

Binawian ng buhay ang isang 17-anyos na estudyante matapos na masuntok sa leeg ng kanyang kaklase at matalaik na kaibigan na umano’y naalimpungatan habang natutulog sa isang beach resort sa Brgy. Dancalan Central, Guinayangan, Quezon.

Sa panayam ng Brigada News FM kay PMaj. Eric Veluz, chief of police ng Guinayangan Municipal Police Station, lumabas sa kanilang imbestigasyon na ginising umano ng biktima ang 19-anyos na kaklaseng natutulog para ayain na itong umuwi ngunit bigla siyang sinuntok nito sa leeg matapos maalimpungatan. kahapon ng umaga, July 6, 2022.

Tinamaan umano sa leeg sa bahagi ng adam’s apple ang biktima at nawalan ng malay makalipas ang ilang minuto.

Agad itong isinugod sa Guinayangan Medicare Community Hospital ng kanyang mga kasama ngunit idineklarang dead on arrival.

Batay sa record ng ospital, Respiratory Failure secondary to blood trauma sa lalamunan ang posibleng ikinamatay ng biktima.

Sinabi naman ng suspek na hindi niya sinasadya ang pagsuntok sa kaklase at naalimpungatan lamang siya matapos na ginising ng biktima.

Napag-alaman na nag-overnight sa isang resort ang magkaklase bilang selebrasyon ng kanilang graduation sa Senior High School kung saan nagkaroon ng kaunting inuman.

Nasa kustodiya naman ng himpilang ito ang suspek at nasampahan na ng kaukulang kaso sa Office of the Prosecutor ng Calauag, Quezon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *