Estudyante sa Cabagan, Isabela,Patay sa pamamaril; PNP Cabagan, nagpapatuloy ang imbestigasyon

Patay ang isang estudyante ng Isabela State University-Cabagan Campus matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Ugad, Cabagan, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Anthony Cammagay, 20 anyos, 2nd year BS Agriculture Technology Student na residente sa nasabing barangay.

Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Rodante Albano, hepe ng PNP Cabagan, inutusan umano ang biktima na magpa-photocopy ng death certificate ng isa sa kanilang kamag-anak.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, pinagbabaril umano ang biktima ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek lulan ng isang motorsiklo.

Tinatayang nasa 100 metro lamang ang layo nito mula sa kanilang tahanan.

Ayon naman sa pakikipag-ugnayan ng pulisya sa pamilya ng biktima, malihim umano si Cammagay sa kaniyang  problema at hindi nagpapaalam kung may pupuntahan.

Sa katunayan aniya, napag-alaman din na sa nakaraang buwan ay mayroong mga humabol na kalalakihan sa biktima sa hindi pa malinaw na dahilan.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima sa ibat ibang bahagi ng katawan na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *