Expanded reserved positions sa mga kumpanya para sa qualified persons with disability, inihain sa Kamara

Isinusulong ng mga kinatawan mula sa ACT-CIS Party-list ang panukalang batas na magpapalawak sa reserved positions para sa persons with disability sa mga kumpanya.

Batay sa House Bill 8941 na inihain ng grupo ni Representative Erwin Tulfo, aatasan ang mga ahensya at tanggapan ng gobyerno na maglaan ng isang porsyento ng lahat ng posisyon para sa kwalipikadong PWDs.

Isang porsyento rin ang dapat i-reserba ng mga pribadong korporasyon na may mahigit isandaang empleyado habang ang mga mayroong hindi aabot sa isandaan ay hinihimok lamang na maglaan ng trabaho para sa mga may kapansanan.

Bilang insentibo, ang mga private company na tatalima sa required threshold ay pagkakalooban ng tax credits na ikakaltas sa gross income, sang-ayon sa National Internal Revenue Code.

Sakaling maisabatas, magsasagawa naman ng evaluation ang Department of Trade and Industry sa mga kumpanya upang suriin kung sumusunod sila sa panuntunan.

Binibigyang-diin ng mga kongresista ang nakasaad sa Section 5 ng Republic Act 7277 na gumigiit sa pantay na oportunidad para sa disabled persons bukod pa sa patas na kompensasyon at pribilehiyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *