Experts, nanawagan ng nationwide lockdown sa India

Lumakas ang panawagan para sa nationwide lockdown sa India matapos madagdagan ng mahigit 4,000 ang bilang ng mga nasawi sa naturang bansa.

Ayon sa Indian Medical Association, na umbrella body ng conventional doctors at surgeons, kailangan na ng India ng kumpleto, planado, at pre-announced lockdown sa buong bansa.

Iginiit ng organisasyon na mas makabubuti ang nationwide lockdown kaysa sa kalat-kalat at hindi maayos na night curfews at restriksyon na ipinatutupad lamang ng ilang states sa loob ng kokonting araw o oras.

Sa ulat ng health ministry ay nakapagtala na ang India ng 4,092 fatalities sa loob lamang ng 24 oras.

Dahilan ito para pumalo ang death toll ng India sa 242,362.

Nairehistro rin ng nasabing bansa ang 403,738 na bagong kaso na dahilan naman para umakyat ang bilang ng kabuoang kaso nito sa 22.3-million.

Kasalukuyang nilalabanan ng India ang second wave ng COVID-19 infections kung saan ay halos araw-araw ay nagtatala ito ng panibagong record sa bilang ng mga nasasawi at tinatamaan ng virus.

Matatandaan na nagkukulang na ang suplay ng oxygen at kama ang maraming ospital sa India habang umaapaw na ang mga bangkay sa mga morgue at crematoriums dahil sa dami ng mga nasasawi sa COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published.