Finance panel chair Angara: 2023 Budget – nakatuon sa ‘targeted ayuda’ programs

Naniniwala si Senate Finance Committee chairperson Senador Sonny Angara na nagbunga ang pagpupuyat ng dalawang Kapulungan ng Kongreso para balangkasin ang laman ng 2023 National Budget.

Matapos malagdaan ngayong hapon ni Pangulong Bongbong Marcos ang 2023 General Appropriations Act o GAA, sinabi ng senador na bagamat nagkaroon ng ilang hindi pagkakasundo sa lalamanin ng Pambansang Pondo, nakahanap pa rin sila ng ‘common ground’ nang sa gayon ay matiyak na hindi mapu-purnada ang serbisyo publiko.

Pagsisiguro ni Angara, pasok sa 2023 Budget ang mga pangangailangan ng mga Pilipino pati na rin ang unti-unting pagbangon ng ekonomiya mula sa mga epekto ng COVID-19 pandemic.

Kabilang aniya sa mga nilalaman ng Pambansang Pondo ay ang iba’t ibang mga serbisyo kagaya na lamang ng mga ‘targeted ayuda’.

Dito ay direkta nang ihahatid ang tulong sa mga sektor na apektado ng Pandemya, gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps; medical assistance para sa mga mahihirap; libreng sakay program; at mga scholarships para sa mga estudyante

Pasok din umano rito ang tulong para sa mga tsuper at operator at pati na din sa mga magsasaka at mangingisda para pangkarga ng langis; at ang pagtaas ng pension ng mga mahihirap na mga senior citizens.

Dagdag pa ni Angara, makatutulong ang Budget para matugunan ang patuloy na pagsirit ng inflation dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *