Fireworks-related injuries, umakyat na sa 20 ayon sa DOH

Nakapagtala ng 15 mga bagong fireworks-related injuries ang iba’t ibang mga ospital sa bansa.

Sa sentinel report number 5 ng Department of Health (DOH) – umakyat na sa 20 ang kabuoang bilang ng mga nasusugatan dahil sa mga paputok mula December 25 hanggang alas-sais ng umaga ngayong araw (December 26).

Kapareho na ito sa naitalang mga firecrackers-related injuries noong nakaraang taon sa kaparehong period; pero 29% na mas mababa kung ikukumpara sa five-year average na 28 cases.

Boga pa rin ang mayroong pinakamataas na bilang ng injuries na mayroong anim na kaso; tatlong nasugatan dahil sa kwitis; tatlo rin mula sa whistle bomb; at dalawang nasugatan dahil sa paputok na five star.

Bilang ng mga na-aresto ng PNP dahil sa pagbebenta ng iligal na paputok, nadagdagan pa

Umakyat na sa 17 mga indibidwal ang mga naaaresto ng Philippine National Police (PNP) dahil sa ‘di umano’y pagbebenta ng mga iligal na paputok.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na hanggang kaninang umaga (December 26) ay nadagdagan pa ang mga nahuling sangkot sa pagbebenta ng mga prohibited firecrackers.

Kabilang na aniya rito ang mga nahuli nila sa pamamagitan ng mga entrapment operation.

Sabi ni Fajardo – tuloy pa rin ang mga nagbebenta ng iligal na paputok online, kaya naman ikinakasa pa rin nila ang mga ‘cyber-patrolling’ para masawata ang mga online sellers ng paputok nang wala namang sapat na permit.

Umapela naman ang PNP sa publiko na huwag nang tanglikilin pa ang mga iligal na paputok, at kaagad mag-report sa mga pulis para ‘di na makabiktima pa, ‘o magdulot ng mga injuries.

Bureau of Fire Protection, tuloy ang paalala sa publiko na huwag nang tangkilikin ang mga nagbebenta ng paputok online

Tila nalulungkot umano ang Bureau of Fire Protection (BFP) dahil patuloy pa rin ang pagtangkilik ng publiko sa mga nagbebenta ng iligal na paputok online.

Kulang-kulang isang linggo na lamang bago salubungin ang Baogong Taon – muling umapela si BFP spokesperson Fire Rupt. Analee Carbajal Atienza na bumili lamang ng fireworks sa mga otorisado’t lisensyadong mga sellers.

Aniya, para maiwasan na ang mga aksidente ay huwag na raw tangkilikin pa ang mga iligal na nagbebenta pa ng paputok.

Inabisuhan din ni Atienza ang mga Pilipino na hanggat maaari ay manuood na lamang sa mga fireworks displays ng mga local government units (LGUs).

Kung ‘di naman daw maiiwasang magpaputok ay isagawa lamang ito sa mga designated areas.

Sa huli, payo ni Atienza ay marami pang pamamaraan para mag-ingay hindi lamang ang pagpapaputok.

Sa ganitong paraan aniya ay masisigurong ligtas na masasalubong ng bawat isa ang taong 2023.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *