Isinusulong ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ng ACT-CIS Party-list ang panukalang batas na nagpapataw ng parusa sa mga ama na hindi magsusustento sa kanilang anak.
Batay sa inihaing House Bill 8987, magpapatupad ng fixed amount ng financial support para sa anak na wala sa kustodiya ng kanyang ama.

Nakasaad sa panukala na ang ilalaang paternal child support ay 10 percent mula sa sweldo ng ama ngunit hindi dapat mas mababa sa anim na libong piso kada buwan o 200 pesos kada araw.
Gayunman, kung magsasampa ng kaso ang ina ng bata ay nasa discretion na ng korte kung magkano ang sustento nang naaayon sa kakayahan ng ama at sa dami ng anak.
Papatawan naman ng parusang anim hanggang labindalawang taong pagkakakulong at multa mula 100,000 hanggang 300,000 pesos ang sinumang tatay na hindi magsusustento sa anak.
Ipinaliwanag ni Tulfo na nais nilang protektahan ang kinabukasan ng mga bata kaya dapat panagutan ng mga magulang partikular ng ama ang maayos na pagpapalaki sa kanila.
Iginiit ng kongresista na bagama’t umiiral na sa Republic Act 9262 ang economic abuse, kailangan ng komprehensibong implementasyon at enforcement ng paternal child support upang mapagtibay ang legal na obligasyon.