Friday Tiange sa dinarayong Tulay na Bato bawal muna dahil sa banta ng COVID- 19

BASUD, CAMNORTE- Ipinagbawal muna ang market day o ang Friday tiange sa dinarayong Tulay na Bato sa bayan ng Basud, Camarines  Norte dahil sa banta ng COVID- 19.

Alinsunod ito sa Executive Order na ipinatutupad ng Lokal na Pamahalaan na nagsasailalim sa naturang bayan sa mas mahigpit na restriction o General Community Quaratine (GCQ) simula noong Miyerkules.

Kaya naman ang dating puno ng tao at maraming iba’t- ibang klaseng paninda tuwing araw ng Biyernes ay hindi muna masisilayan sa susunod na dalawang linggo.

Sa loob kasi ng maraming taon ay nakagawian na ang market day sa naturang lugar tuwing Biyernes.

Dinarayo ito ng mga tao mula sa iba’t- ibang panig ng lalawigan lalo na ang mga deboto ng Poong Nazareno na pagkatapos magsimba ay namamalengke na rin.

Mayroon namang ang pamamalengke lang talaga ang sadya dahil sa dami ng maaaring mabili.

Pero simula nang magkaroon ng pandemya noong nakaraang taon, hindi na muling binuksan ang kapilya o and dambana ng Poon.

Nang payagan kasi  muli ang religious gathering Hunyo ng nakaraang taon, mismong ang simbahan na ang humiling sa Lokal na Pamahalaan na huwag munang payagan ang pagbubukas ng kapilya dahil sa dami ng mga taong nagtutungo doon para magsimba ay imposibleng masunod ang social distancing.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *