Babalik na ang Gilas Pilipinas sa kanilang training bubble sa Calamba, Laguna, bilang bahagi ng kanilang preparasyon para sa paparating na FIBA Asia Qualifiers at FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Ayon sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), kabilang sa mga inaasahang sasali sa bubble ay ang 2019 Gilas draftees na sina Isaac Go, Matt at Mike Nieto, at Rey Suerte, at pati na rin ang mga bagong draftees na sina Jordan Heading, Tzaddy Rangel, William Navarro, at Jaydee Tungcab.
Sasali rin sa camp ang National Collegiate Athletic Association standout na si Kemark Cariño, at ang iba pang collegiate players na sina Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, SJ Belangel, RJ Abarrientos, Carl Tamayo, Justine Baltazar, Jason Credo, at Geo Chiu.
Isasama na rin sa bubble ang high school star na si Lebron Lopez.
Si Ange Kouame naman, na kandidato para sa naturalization, ay imbitado rin sa camp habang sinabi naman ng SBP na sasali rin doon si Dwight Ramos sakaling dumating na ito galing US.
Tiniyak naman ng SBP na susunod ito sa health protocols bago makabalik ang Gilas Pilipinas sa kanilang pag-eensayo sa Calamba bubble.