Ginang mula sa bayan ng Basud Camarines Norte tumanggap ng 100 libong piso matapos nitong umabot sa isang daang taong gulang

CAMARINES NORTE – Nakatanggap ng 100 libong piso ang isang ginang sa bayan ng Basud Camarines Norte matapos nitong umabot sa edad na isan’daang taong gulang.

Kinilala ang ginang na si Consuelo Ramos na residente ng nasabing bayan. Ngunit dahil sa katandaan ay humalili sa kanya ang kanyang anak na si Evelyn Rodriguez na tumanggap ng cheke na iginawad ng Provincial Social Welfare and Development Office – Camarines Norte.

Ang nasabing paggawad ng benepisyo at pribilehiyo ay alinsunod sa Republic Act 10868, na nagbibigay ng dagdag na benepisyo at pribilehiyo sa mga Filipino centenarians.

Ang Republic Act 10868 ay kilala rin bilang “Centenarians Act of 2016”. Ang batas na ito ay nilagdaan bilang batas noong June 23, 2016 ni Pangulong Benigno Aquino III kung saan nakapaloob sa batas na ito na lahat ng nabubuhay na sentenaryo na umabot sa edad na isang daang taong gulang ay dapat parangalan sa pagdiriwang ng unang Pambansang Paggalang sa Araw ng mga Centenarians. Nakapaloob din sa batas na ang bawat isa sa kanila ay bibigyan ng isang plake ng pagkilala at ang Centenarian na Regalo na tinutukoy sa Seksyon 2 o ang 100,000 pesos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *