‘Go green; grow green’ program ng pamahalaang panlalawigan ng Albay, inilunsad

LEGAZPI CITY – Inilunsad ng Pamahalaan Panlalawigan ng Albay ang pinakabagong programang “Go Green, Grow Green”.

Ayon kay Provincial Agriculturist II, APAO Admin Officer Grace Teaño, ang nasabing programa ay mayroong dalawang bahagi: una ay ang food production program; at pangalawa naman ay ang beautification clean and green program.

Ang food production program ay naglalayong pataasin ang produksyon ng agrikultura sa lalawigan at masigurong sapat ang pagkain ng bawat pamilyang Albayano.

Ang beautification clean and green program naman ay naglalayong magkaroon ng masagana at malinis na pamayanan sa isang barangay sa lalawigan.

Aniya, ang nabanggit na mga programa ay pinapangunahan ni Gov. Lagman, kung saan ito umano ay ipatutupad bilang suporta sa layunin ng Green Revolution Program ng National Government na may layuning mapataas ang produksyon ng pagkain at mabawasan ang kahirapan at gutom.

Ito rin ay alinsunod sa memorandum ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagpapatupad ng proyektong Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa mga barangay upang mapunan ang kagutuman at seguridad sa pagkain sa bansa.

Aabot sa mahigit 700 mga grupo ang inaasahan ng APAO na lalahok sa programang ito sa ilalim ng Barangay Communal Vegetable Garden on Food Production Component, na binubuo ng 720 barangays at mga Municipal Federations, PWD’s, Senior Citizen, Municipalities, Cities at 720 Barangays sa ilalim ng Beautification Clean and Green Program.

Samantala, naglaan din ng PHP 30M na pondo para sa naturang programa, kasabay na rito ang pagpapalaganap ng proyekto sa pamamagitan ng mga gagamiting supply na ipinamahagi at premyo para sa search for Outstanding LGU/MCU, Barangays and Municipal Federations upang masigurong magkaroon ng matagumpay na pagpapatupad ng programa sa buong lalawigan.

Magsisimula ang programa ngayong buwan ng Marso at magtatapos sa buwan ng Disyembre ngayong taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *