Gobernador ng Albay, ikinatuwa ang dagdag na mga MVA para sa supply ng kuryente sa Tabaco City

LEGAZPI CITY – Pinasalamatan ni Albay Provincial Governor Noel Rosal ang Albay Power and Energy Corporation (APEC) matapos magkaroon ng 25 bagong megavolt amperes (MVA) sa unang distrito ng nasabing probinsiya partikular sa lungsod ng Tabaco.

Sa naging talumpati ni Rosal sa isinagawang Switching on Ceremony ng 25 bagong MVA sa Brgy. Matagbac ng nasabing lungsod, sinabi nito na hindi umano uunlad ang isang lugar kung ang pinoproblema nito kasama ng mga konsumer at investors ay ang kakulangan sa supply ng kuryente kung kaya’t mahihirapan din na makapag hikayat na mag-invest para sa pagnenegosyo.

Inihalimbawa rin ng opisyal ang lungsod ng Legazpi, kung saan ay dati itong nanunungkulan bilang alkalde ng lungsod na nagkaroon din ng pagbabago sa substation at marami na ang pumasok na investors

Dagdag pa nito, patuloy din naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan para sa development at upgrade ng substation ng APEC.

Samantala, naniniwala naman si Rosal na sa oras na ma-energize ang supply ng kuryente sa Tabaco City ay magkakaroon na rin ito ng pagbabago sa lungsod, kung saan hindi na umano magkakaroon ng kakulangan sa supply ng kuryente ang mga konsumer, maging ang mga karatig na bayan tulad ng Malilipot at ilang bahagi ng Bacacay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *