Gov’t., naghahanap na ng mapagkukunan ng mga COVID-19 vaccine para sa taong 2022

Iba’t-ibang manufacturer na ng covid-19 vaccine ang kasalukuyang kinakausap ng pamahalaan para makapagsecure ng suplay ng bakuna para sa susunod na taon.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., bagama’t secured na ng bansa ang 164 million doses ng bakuna ngayong taon, nakikipagnegosasyon na sila para sa dagdag na 26 million doses para sa transition na gagawin sa 2022.

Aniya, ito ay upang hindi magkaroon ng zero quarter ang bansa pagdating sa pagbabakuna.

Paliwanag ng vaccine czar, sa pamamagitan ng ganitong istratehiya, magtutuloy-tuloy ang vaccination program ng pamahalaan at maiiwasan ang pagkaantala nito.

Sinabi pa ng opisyal na kasama sa nasabing 26 million doses ng bakuna na under negotiation ay ang 10 million doses ng Sinovac, 10 million doses ng Novavax at 6 million doses ng Johnson & Johnson.

Mababatid na sa 164 million doses ng covid-19 vaccine na nasecured ng pamahalaan, nasa mahigit 29 million doses pa lamang ang nakarating na o naideliver na sa bansa.

Samantala, inaasahan naman na magtutuloy-tuloy pa ang pagdating ng mga bulto ng bakuna sa bansa sa mga susunod na buwan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *