Grade 10 scholar sa Cebu City, ninakawan; sinaksak-patay

NAUWI sa trahedya ang sanay masayang kaarawan ng kambal sa Cebu matapos namatay mismo sa kaparehong araw ang anak na lalaki ng isa sa mga kambal nang ito ay pagsasaksakin ng di umanoy mga menor-de-edad na nagnakaw mula sa biktima.

Noong Sabado ng gabi, Agosto 06, ipinagdiwang ng Pamilya Estan ang kaarawan ng mag-kambal sa bayan ng Minglanilla, Cebu subalit habang papauwi na sa Barangay Pahina Central, Cebu City ang isa sa myembro ng pamilya na si Jerome Estan, 16 at isang Grade 10 scholar, mayroong grupo ng mga di-umanoy menor-de-edad sa Villa Manga sa Barangay Bulacao, Cebu City pasado alas 10 ng gabi ang nagnakaw sa biktima at sinaksak pa ito sa dibdib hanggang sa ito ay bawian ng buhay.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Geoffrey Gutual, imbestigador ng Inayawan Police Station na tatlong tao, dalawang menor de edad at isang nasa hustong gulang, ang nagtungo na sa himpilan ng pulisya upang itanggi ang anumang pagkakasangkot sa krimen.

Aniya, nakakulong na ang tatlo dahil itinuring silang mga suspek at bineberipika pa nila ang kanilang mga pahayag na itinatanggi ang anumang pagkakasangkot sa pagpatay.

Sinabi rin niya na ang dalawa pang menor de edad, na isa sa pinaniniwalaan na siyang sumaksak sa biktima, ay nanatiling nakalaya hanggang sa pagbanggit ng balitang ito.

Ikinuwento ni Moralyn Estan, 54, ina ng biktima kung bakit nag-iisa si Jerome sa lugar noon.

Dagdag ni Moralyn na gusto ni Jerome na dumaan pauwi para makipagkita sa isang co-scholar malapit sa isang food park sa Barangay Bulacao sa Cebu City.

Nais makuha ni Jerome ang kanyang T-shirt, na dala ng co-scholar dahil kakailanganin niya ito para sa kanilang nakatakdang biyahe sa Linggo (Agosto 7) sa isang beach sa bayan ng Tuburan kasama ang kanilang scholarship sponsor.

Nagdalawang isip pa siya na payagan si Jerome noon dahil pasado alas-10 na ng gabi ngunit nag-matigas si Jerome at pumayag na lang siya.

Sinabi ni Moralyn na agad na sumakay ng pampasaherong jeepney si Jerome patungong Barangay Bulacao habang nanatili ang pamilya saglit sa Minglanilla dahil may hinihintay pa sila noon.

Maya-maya, nang makauwi na sila sakay ng bus papuntang Cebu City at nang dumaan sila sa Barangay Bulacao may nagsabi sa kanila na may sinaksak umano sa naturang lugar.

Nang makauwi sila sa bahay sa Pahina Central, don lang nila nalaman na ang kanilang anak pala ang nasaksak dahilan upang dali-dali silang pumunta sa naturang lugar at dun na nila nakita ang walang buhay na Jerome at halos di na ito makilala kasi wala ng suot na tshirt at naliligo ng dugo mula sa dalawang saksak sa dibdib.

Sinabi ni Moralyn na nais ng iskolar na si Jerome na maging isang inhinyero at tiniyak sa kanya na magkakaroon sila ng komportableng buhay sa lalong madaling panahon kapag siya ay nakapagtapos.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *