Grupong maghahain ng COC sa Comelec Legazpi pinayuhang makipag-ugnayan muna para maiwasan ang siksikan

BICOL—Inihayag ni Atty Michael Angelo Laurio, OIC City Election Supervisor ng Commission on Election (Comelec) Legazpi na mas makakabuti kung makikipag-ugnayan muna sa kanila ang mga maghahain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) lalo na kung grupo itong magtutungo sa kanilang tanggapan.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sinabi ni Laurio na ito ay upang maantisipa nila ang pagdating ng mga ito at maiwasan ang pagkukumpulan ngayong nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic ang lahat.

Kaugnay nito ay kinumpirma rin ni Laurio na mayroon na sa kanilang paunang kordinasyon ang grupo ni alkalde Noel Rosal para sa paghahain ng kandidatura ng kampo nito sa Biyernes, Oktubre 8 o sa huling araw ng filing.

Pero nilinaw ng opisyal na ito ay tentative schedule pa lamang at hindi pa tiyak kung kelan talaga ang pinal na araw nang paghahain ng grupo ng kanilang COC.

Aminado naman si Laurio na naging matumal ang pagdating ng mga aspirante sa una hanggang ikalawang araw ng filing kung saan isa lamang umano ang naghain ng kandidatura sa una araw at ito ay isang independent candidate para sa City Council.

Sinundan naman ito ni Congressman Alfredo Garbin na naghain ng kandidatura sa pagka alkalde nitong Linggo, Oktubre 3 o sa ikatlong araw ng filing kasama ang kanyang team.

Ayon sa Comelec, welcome sa kanila ang lahat ng mga aspiranteng maghahain basta masusunod ng mga ito ang kanilang guidelines at pasok pa sa araw na itinakda para sa filing ng COC.### || slm

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *