GSIS – hindi minamadali ang pagsusulong ng Maharlika Investment Fund

Nangako ang Government Service Insurance System (GSIS) na magkakaroon ng ‘best and brightest’ na team na bubuo sa board na magmo-monitor sa ipinapanukalang Maharlika Investment Fund (MIF).

Sa Laging Handa public briefing, muling tiniyak ni GSIS chief Wick Veloso na magkakaroon ng transparency sa isinusulong na MIF at sinigurong mababantayan at mama-manage ito ng nararapat na mga tao.

Paliwanag ni Veloso, magkakaroon ng iba’t ibang mga kumite at boards ang naturang sovereign funds para masigurong hindi ito mababangkarote at mauuwi sa kurapsyon.

Muli ring nanindigan ang opisyal na makatutulong ang MIF para mapalago ang pondo ng pamahalaan – sa kabila ng paga-allocate dito ng mga pension funds.

Bago ito, una nang sinabi ni Veloso sa hiwalay na panayam na hindi niraratsada ang panukala.

Hindi rin aniya maituturing na ‘unconstitutional’ ang proposal dahil hindi raw ‘private property’ ang mga pension funds na gagamitin para rito.

Ito ay kahit na ayon sa batas, ang mga contributions ng SSS at GSIS members ay idineklara nang mga private funds ng mga contributors at hindi public property.

Sa huli, tiniyak ni Veloso na isa itong ‘long-term investment’ at kalaunan ay makakabenepisyo rin ang mga miyembro.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *