Guro mula sa Sorsogon, awardee ng MFI at FLORA

Napabilang sa tatlong awardees ng Multinational Foundation, Inc, (MFI) at ng Filipina Achievers in Rural Education Award o FLORA ang guro mula sa lalawigan ng Sorsogon na si Michelle Rubio.

Si Rubio na nagmula sa bayan ng Gubat ay isa sa tatlong natatanging gurong Pinay na pinarangalan ng FLORA Award para sa kanilang natatanging kontribusyon sa edukasyon sa kanayunan.

Ang parangal ay bilang pagkilala sa mga natatanging kontribusyon ng mga gurong Pilipina sa mga kanayunan na nagpamalas ng pambihirang pagsisikap upang makabuo at magpatupad ng mga education innovations sa gitna ng mga hamon dulot ng krisis sa Covid-19.

Kabilang sa mga inobasyon ni Rubio mula Marso 2020 hanggang Hunyo 2022 ang Pinkdemic corners, Modulove, Reading in a Car, Reading Recovery Areas, at Improvised Reading Profile Form for Learners.

Si Rubio ang kasalukuyang Division Reading Coordinator ng Schools Division Office (SDO) ng lalawigan ng Sorsogon.

Ang dalawang iba pang awardees ay sina Ednalyn Fajardo ng Candaba, Pampanga at Judith Sagayo ng Tabuk City, Kalinga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *