Halos 1k, natulungan sa Anti-Stunting Campaign ng Brigada Group

Sa layuning ‘Matuldukan na ang Stunting’ – nagsanib-puwersa ang Brigada Group of Companies, at ang mga himpilan ng Brigada NewsFM Philippines para idaos ang ‘End Stunting Now Advocacy Symposium’ ngayong araw.

Labing-limang Brigada NewsFM Stations mula Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagsagawa ng iba’t ibang mga programa para malabanan ang pagkabansot ng mga Pilipino na kung ituring ay isang ‘global silent pandemic’.

Aabot sa 952 ang bilang ng mga ina, mga buntis, at mga kabataang naging benepisyaryo ng naturang programa.

Katuwang ang ilang mga doktor, mga kinatawan mula sa City Health Office, mga OB Gyne, barangay health workers, at ilang mga eksperto – tinalakay ang mga paksa para sa mga pamamaraan upang malabanan ang pagkabansot.

Kasabay nito, namahagi rin ang iba’t ibang Brigada NewsFM stations ng mga pagkain, gamot, laruan, para sa mga ina at kabataan na dumalo. Mayroon ding libreng check-up para sa mga buntis.

Ang adbokasiyang ‘End Stunting Now’ ay inilunsad ng Brigada Group sa pamamahala ng Brigada Foundation Inc., noong Enero bilang inisiyatibo para tuldukan ang stunting o pagkabansot sa Pilipinas at bilang kontribusiyon ng kompanya sa pag-unlad ng bansa.

Naniniwala ang Brigada Group na ang kinabukasan ng kabataan ang siyang susi para sa pag-unlad ng bansa kung kaya’t kinakailangang pangalagaan ang kanilang kalusugan habang lumalaki at pagyamanin ang kanilang kakayahan.

Ikinasa ang End Stunting Now Advocacy Symposium bilang bahagi ng handog-pasasalamat sa pagdiriwang ng kaarawan ng CEO, President, at ama ng Brigada Group of Companies na si Elmer V. Catulpos.

Ang buong Brigada Group ay taos-pusong nagpapasalamat sa lahat ng mga doktor, barangay workers, at lahat ng mga volunteers na nakatuwang natin para matiyak ang maayos na kalusugan ng mga ina at mga kabataan – para mawaksi na ang stunting.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *