Halos 200,000 manggagawa, na-displace sa buong bansa mula January hanggang May ayon sa DOLE

Lumabas sa datos ng Department of Labor and Employment na halos nasa 200,000 mga manggagawa ang na-displace sa buong bansa sa unang limang buwan ng 2021 sa gitna ng nagpapatuloy na epekto ng COVID-19 pandemic sa maraming negosyo.

Sa regular job displacement monitoring report ng DOLE ay sinabi nito na nasa 191,117 na trabahador ang na-displace sa buong bansa mula sa 6,602 na establishimyento mula January hanggang May 30, 2021.

Sinabi ng ahensya na 91% o 5,714 na establishimyento ang nagbawas ng kanilang workforce habang 9% o 888 naman ang permanenteng nagsara na.

Nairehistro naman sa National Capital Region ang pinakamaraming bilang ng displaced workers na pumalo sa 114,178 habang sinundan naman ito ng Region VII na may 20,632 displaced workers.

Naitala naman ng DOLE sa buwan ng Pebrero ang pinakamataas na bilang ng mga na-displace na manggagawa na umabot sa 46,518 mula sa 1,743 na establishimyento.

Pagdating naman sa major industry groups, ay lumabas na nasa ilalim ng construction ang pinakamaraming bilang ng displaced workers na umabot sa 27% o 51,403 at iba pang service activities na umabot sa 16% o 30,685.

Leave a Reply

Your email address will not be published.