246 na barangays sa bansa ang inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) na mapabilang sa “red category” o “areas of grave concern” kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang inihayag ni PNP Public Affairs Office Chief Police Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame ngayong araw.
Bukod dito, sinabi ni Fajardo na 1,248 barangay naman ang kanilang irerekomenda na mapabilang sa “orange category” na pangalawang pinakamataas na antas ng seguridad, at 1,100 naman sa “yellow category”.
Nilinaw naman ni Fajardo na ito ay rekomendasyon palang na tatalakayin pa sa pagpupulong ng National Joint Peace and Security Coordinating Center kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard.
Pagkatapos aniya nito ay isusumite nila ang pinal na rekomendasyon sa Committee on Firearms Ban and Security Concerns upang mapagdesisyunan ng COMELEC en banc.