LEGAZPI CITY – Aabot sa halos 600 o 568 na mga Bicolanong OFWs ang naninirahan ngayon sa bansang Israel na kasalukuyang nagkakaroon ng kaguluhan kaugnay ng pag-atake ng Hamas militant group mula sa Palestine.
Ang nasabing datos ay kinumpirma mismo ni Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) Bicol Spokesperson Bernard John Bonnet sa Brigada News FM Legazpi.
Sa panayam sakanya, sinabi niya na nasa 543 ang mga land-based workers, habang 25 naman ang sea-based.
Sa kaparehong datos, sa lalawigan ng Albay, ang Daraga ang may pinakamaraming bilang ng mga Bicolanong nasa Israel na may 20; sumunod ang Camalig na may 13; at 11 naman sa Legazpi City.
Sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na anumang requests mula sa mga Bicolanong ito na humihingi ng tulong o humihiling na makabalik sa bansa.
Samantala, ayon sa embahada ng Pilipinas sa Israel, mayroon din silang natanggap na request for repatriation mula sa ilang OFWs subalit hindi pa naman kalakihan ang numero kaya’t wala pang alert level na itinataas ang Department of Foreign Affairs dahil sa nangyayari.