Ibinunyag ng Department of Justice na halos kalahati ng mga inihaing smuggling cases ng Bureau of Customs at Department of Agriculture mula 2016 hanggang February 2023 ang nabasura.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang Anti-Agricultural Smuggling Courts Act, sinabi ni State Counsel III Florina Agtarap, na batay sa datos ng National Prosecution Service, 159 na kaso ang kanilang natanggap.
Sa naturang bilang, 76 o 48% nito ay binasura ng DOJ dahil sa lack of probable cause, samantalang siyam lamang ang umusad sa korte.

Hindi naman binanggit ng DOJ kung sino-sino ang siyam ng smuggler na kinasuhan sa korte kaya’t hiniling ni Senator Francis Tolentino, chair ng Senate committee on justice and human rights, ang listahan ng mga nakasuhan.
Sinabi naman ni Agtarap sa komite na inatasan na ng DOJ ang mga prosecutor na makipagtulungan sa mga law enforcement agency, kabilang ang BOC, para gabayan sila sa paghahain ng kaso.//CA