Hauler hindi sasakyan ng tao kundi para sa mga pangarga ayon sa LTO

CAMARINES NORTE- Nagpaalala ang Land Transportation Office (LTO) sa publiko na hindi naka-design na sasakyan ng tao ang hauler kundi para sa mga pangarga.

Ito ang inihayag ni LTO Daet Assistant Chief Roberto Candelaria sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.

Kanina ilang hauler ang nasita ng mga tauhan ng LTO at Philippine National Police Highway Patrol Group sa kanilang joint operation sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Pamorangon dito sa Daet.

Isa lamang sa mga nasita ay ang hauler na galing sa bayan ng Basud na mayroong apat na sakay sa loob na kinabibilangan ng mga bata at isa sa likuran ng driver.

Katwiran ng driver ng hauler na hindi niya alam na bawal itong sakyan ng tao.

Sa halip naman na tiketan ay binigyan na lang muna ito ng warning.

Ani Candelaria madalas na ginagamit ang hauler lalo na ngayong panahon sa pagpunta sa mga resort na punong puno ng sakay na tao.

Dagdag pa ni Candelaria na maging ang likod ng pick- up ay hindi rin para sa mga tao kundi sa mga pangarga.

Gayunman aminado ang opisyal na tila naging kultura na ito at nakasanayan ng mga pinoy lalo na kung hindi sinisita.

Kaya naman nakatuon umano ang kanilang pansin ngayon sa pag- educate sa mga tao para na rin sa kaligtasan ng lahat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *