Healthcare workers sa Albay, nahihirapan umano sa pagbakuna laban sa measles, rubella, at oral polio

LEGAZPI CITY – Hirap umano ngayon ang mga healthcare workers sa iba’t ibang mga bayan sa Albay na bakunahan ang mga bata laban sa measles, rubella at oral polio sa isinasagawang Supplemental Immunization Activity (SIA) ng Department of Health (DOH).

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Dr. Desiree Bricenio, Regional Medical Coordinator ng National Immunization Program ng nasabing ahensya, sinabi niyang ito ay dahil ngayon ay buwan ng Mayo at karamihan sa mga bata ay wala sa kanilang mga tahanan kundi nasa fiestahan.

Ngunit hindi naman aniya sila napipigilan sa pagbabakuna sapagkat kinakailangang maabot ang target coverage nito.

Ayon kay Bricenio, sa ngayon ay nasa ikatlong linggo na sila ng MR-OPV SIA at nagha-house-to-house na rin ang mga healthcare workers upang hanapin ang mga bata upang mabakunahan.

Aniya, mahalaga na mabigyan ng naturang bakuna ang mga bata, dahil kung hindi, malaki ang posibilidad na magkaroon ng outbreak sa nasabing mga sakit.

Kung kaya, panawagan nila sa mga magulang na makiisa, at pabakunahan ang kanilang mga anak upang makamit ang proteksyon laban sa mga ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *