Hepe ng Donsol MPS, kinumpirma ang pamamaril sa bahay ng ABC President; Army, ayaw patulan ang propaganda ng NPA

Kinumpirma ng OIC ng Donsol MPS na si PMaj Joven Moriones ang pagpapaulan ng putok sa bahay ng ABC president at Kapitan ng Brgy Alin, Donsol, Sorsogon.

Sa ekslusibong panayam ng Brigada News kay Moriones, sinabi nito na agad silang nagsagawa ng imbestigasyon noong Sabado nang mabalitaan nila ang nasabing insidente noong Biyernes ng gabi, Agosto 4 sa nasabing barangay.

Aniya, nakarekober sila ng 5 basyo ng bala ng M16 rifle sa nasabing lugar at nakita nila ang ilang tama ng bala sa naturang bahay.

Patuloy ngayon sa pag-iimbestiga ang Donsol Police sa nasabing insidente.

Tumanggi naman sa pakikipanayam sa Brigada News si Kapitan Erwin Vista at pinapaubaya na nito ang imbestigasyon sa Pulisya.

Tinawag naman ng 31st IB na ‘propaganda’ lamang ang Pahayag sa Midya ng Celso Menguiz Command aniya, galit lang ang nasabing hukbo dahil sa isinagawa nilang indignation rally sa nasabing barangay noong Hulyo 15 kung saan tatlong miyembro ng Militia ng Bayan ang sumurender sa kanilang batalyon kasama ang 29 na dating mga NPA supporters na nagdeklara ng ‘Withdrawal of Support’ sa CPP-NPA-NDF at Oath of Allegiance sa pamahalaan.

Noong Sabado naman ay isang rebelde ang sumurender sa himpilan ng 31IB sa Brgy Bayasong, Pilar, Sorsogon kasabay ng pagbaba nito ng kanyang armas na M14 rifle at pagturo ng iba pang nakatagong armas sa Brgy Tongdol, Donsol.

Kinabibilangan sa narekober na armas ang isang M16 rifle, dalawang magazine, isang binocular, isang scope at mahigit 1,800 piraso ng bala.

Sa ipinalabas na Pahayag sa Midya ng Celso Menguiz Command, itinuro nito na ang mga sundalo ang responsable sa pamamaril sa bahay ng nasabing Kapitan dahil sa reklamo nito na naiwan umano na mga basura ng sundalo sa kanyang barangay nang ang mga ito ay nagkampo sa nasabing lugar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *