Higit 11,000 magsasaka sa CALABARZON, makakatanggap ng fuel subsidy

Makakatanggap ng P3,000 na fuel subsidy ang nasa 11,789 na magsasaka mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A).

Sa ipinaabot na mensahe sa Brigada Batangas ni Radel Llagas, Regional Agriculture and Fisheries Information Section chief, ang programa ay nasa ilalim ng Fuel Assistance to Farmers Project (FAFP).

Ang FAFP ay isa sa mga proyekto ng DA na layuning matulungan ang mga magsasaka para sa pagpapatakbo ng kanilang mga makinaryang pangsakahan kasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Batay sa panuntunan, ang mga benepisyaryo ay mga magsasakang nakarehistro sa Registry system for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA); nagmamay-ari o umuupa ng gumaganang makinarya na nakarehistro sa Agricultural and Biosystems Engineering Management Information System (ABEMIS); at nakatira sa mechanized or consolidated na mga lugar.

Prayoridad umano sa fuel subsidy ang mga magsasakang hindi pa nakakatanggap ng suporta sa gasolina, umuupa ng makinarya sa Local Government Units (LGUs), at mga magsasakang nakatira malapit sa mga gasolinahan.

Ang naturang halaga ay ipapasok sa Intervention Monitoring Card na siyang ipapakita ng mga magsasaka sa pagbili ng krudo sa mga akreditadong fuel stations.

Sa ngayon ay patuloy pang isinasailalim ng ahensya sa balidasyon ang mga magiging benepisyaryo.

Patuloy naman ang ginagawang koordinasyon ng DA-CALABARZON sa mga Provincial at LGUs at mga institusyong katuwang sa pagpapatupad ng programa para sa agarang pamamahagi ng naturang ayuda.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *