Higit 17k indibidwal sa Quezon province, inilikas dahil sa Bagyong Jolina

Nasa mahigit 17 libong indibidwal ang apektado sa lalawigan ng Quezon dahil sa pananalasa ng Bagyong Jolina nitong Miyerkules, Setyembre 8.

Sa eksklusibong panayam ng Brigada News FM Lucena kay Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head, Dr. Melchor Avenilla, Jr., nasa 4,513 ang pamilya o di bababa sa 16,855 na indibidwal ang inilikas.

Pinakamaraming inilikas sa ikatlo at ika-apat na distrito maging sa sentro ng lalawigan.

Ayon kay Dr. Avenilla, maswerte ang Quezon dahil hindi binaybay ng bagyo ang probinsya taliwas sa naunang pagtataya na posibleng magland-fall ito sa mga dulong bayan ng Bondoc Peninsula Area.

Dagdag pa niya, wala pang naitatalang casualty sa ngayon kundi ilang infrastructure damage na hanggang ngayon ay bineberipika pa rin ng DPWH, Provincial Engineering Office at mga lokal na pamahalaan.

Patuloy pa rin ang pagasasagawa ng PDRRMO ng rapid damage assessment sa mga bayan at syudad sa Quezon lalo na sa aspeto ng agrikultura kung saan maraming mga palayan at pananim ang nasira ng bagyo.

Kasalukuyang balik operasyon na ang mga passenger at cargo vessels ng iba’t ibang pantalan na biyaheng Marinduque, Alabat Islands, Polillo Group of Islands at iba pang kalapit isla.

Nanawagan naman ang PDRRMO sa mga ka-lalawigan na maging handa sa lahat ng pagkakataon dahil ang mga nalalabing buwan ng 2021 ay panahon ng bagyo at ng monsoon winds na siyang dahilan ng patuloy na pag-uulan sa lalawigan.

Asahan naman ang maganda at mainit na panahon sa araw na ito sa probinsya ng Quezon. | via Brian Zagala, BNFM Lucena

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *