Higit 2,000 – imbitado sa SONA

Puspusan na ang paghahanda ng Kamara sa nalalapit na ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa panayam kay House Secretary General Reginald Velasco, sinabi nitong nakapagpadala na sila ng mga imbitasyon mula sa mahigit dalawang libong bisita kabilang na si Vice President Sara Duterte at mga miyembro ng gabinete.

Nagkausap aniya sila ni Pangulong Marcos at nais nito na ma-accommodate ang lahat ng bisitang nais dumalo sa SONA lalo na ang mga sektor sa gobyerno, pribado, non-government organizations at iba pa.

Inaayos na umano ng inter-agency committee ang seating arrangement sa plenaryo na may dalawang libong upuan ngunit hindi pa malinaw kung magkatabi pa rin sina VP Sara at First Lady Liza Araneta-Marcos.

Sumailalim na rin sa renovation ang back entrance at North at South Wing lobbies ng House of Representatives at palalagyan ng air conditioning upang gawing komportable ang mga bisitang daraan pati na ang mga magco-cover na miyembro ng media.

At dahil limitado na ang kapasidad ng session hall, maglalaan ng karagdagang function rooms ang Mababang Kapulungan upang ma-accommodate ang mga bisita.

Dagdag pa ni Velasco, magsasagawa sila ng walk-through inspection sa July 15 habang sa huling weekend bago ang SONA ay naka-lockdown na ang Batasan Pambansa kaya mga piling empleyado at staff na lamang ang papayagang makapasok.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *