Nasabat ang higit isang milyong halaga ng iligal na droga matapos ang isinagawang anti-illegal drug buy bust operation sa Barangay D Leaño, Claveria, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Cagayan Police Provincial Office, kinilala ang mga naaresto na sina alyas Kyle, 27-anyos at alyas Lloyd, 24-anyos.
Positibong nabili sa mga suspek ang nasabing iligal na droga matapos magpanggap na poseur buyer ang isang operatiba na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.
Nasamsam sa mga ito ang isang ice bag na naglalaman ng 400 grams ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng P408,000 at apat na piraso ng itim na bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 6 kilos at nagkakahalaga ng P720,000.
Ang nasabing operasyon at isinagawa ng magkatuwang na puwersa ng PNP Claveria at PDEA Batanes Provincial.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan ang dalawang naaresto para sa karagdagang dokumentasyon at disposisyon.