Higit P700K na halaga ng pera at gamit, natangay ng magnanakaw sa Lipa City, Batangas

Tinatayang aabot sa P700,000 ang pera at mga gamit ang natangay ng mga suspek sa pagnanakaw sa isang bahay sa Bahayang Pilipino Village sa Brgy. Sabang, Lipa City, Batangas.

Ayon sa naging pahayag ni PSSg Leo Lingao ng Lipa City Police Station sa Brigada News Fm Batangas, alas-8:45 ng umaga ng Hunyo 19, 2022 ng umalis ang pamilya ng biktima sa kanilang tahanan para magsimba.

Bandang alas-12:45 ng tanghali ng kaparehong araw ng bumalik ang mga ito sa kanilang tahanan ng mapansin ng anak ng biktima na sira ang pinaka-kandado ng front gate ng kanilang bahay.

Dahilan para ireport kaagad nito sa kanyang magulang at maging sa nasabing himpilan ang nangyaring insidente.

Nadiskubre sa isinagawang inspeksyon ng mga awtoridad na nawawala ang nasa P300,000 na perang nakatago sa aparador na nasa loob ng kanilang kwarto, maging ang isang  unit ng laptop na inisyu ng DEPED Lipa.

Kasama din sa nawawala ay dalawang laptop na nagkakahalaga ng P110,000, isang Tablet na nasa P40,000, isang DSLR camera na nagkakahalaga ng P60,000, dalawang magkaibang unit ng cellphone na nasa 22,000, maging mga alahas na aabot ang halaga sa P150,000 at walong magkakaibang bank passbook.

Sa ngayon ay patuloy at walang tigil ang isinasagawang imbestigasyon ng mga kapulisan para matukoy at mahuli ang mga suspek sa naturang krimen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *