Hindi maayos na litrato sa National ID pwedeng palitan pero hindi prayoridad sa ngayon ng PSA

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pwedeng palitan kapag hindi maayos ang litrato sa national ID.

Kasunod yan ng ilang pangyayari na lumabas sa social media kung saan hindi nagustuhan o nadismaya ang nakatanggap ng national ID na matapos ang matagal- tagal na panahong paghihintay ay hindi raw maayos ang pagkakakuha ng litrato.

Pero ayon kay Camarines Norte PSA Chief Statistical Specialist Maria Dulce Padayao sa ngayon ay hindi ito prioridad dahil kailangang unahin ang pag iisyu ng ID sa mga hindi pa nakatanggap nito.

“Kung ang isang registrant hindi siya satisfied doon sa lumabas na picture niya, pwede niya yung ipa- update, pwede siyang magpa- capture ulit papasok yun sa updating but sabi ko nga hindi muna sa  ngayon ipa- prioritize ang updating,” ani Padayao.

Paliwanag ni Padayao magkakaroon talaga ng mandatory updating sa mga batang nagparehistro ngayon pagsapit nila ng edad na 15 anyos.

Nagbabago raw kasi ang itsura o katawan ng bata lalo na pagsapit ng puberty stage.

Mag- uupadte din umano ng national ID ang babaeng nagpakasal at nagpalit ng apelyido.

Samantala, tiniyak naman ng PSA na hindi basta- basta mapepeke ang national ID dahil sa mga security features nito.

Mahirap umano itong mapeke dahil sa dami ng prosesong pinagdadaanan na dahilan din kung bakit matagal itong gawin at sa ngayon ay hindi pa natatanggap ng marami ang kanilang national ID.

Batay sa datos ng PSA, sa mahigit 438, 000  Cam Norteños na nakarehistro na sa PhilSys nasa mahigit 43, 500 pa lamang dito ang natanggap na ang kani- kanilang ID habang  mahigit 2, 700 naman ang nasa proseso pa ng pag deliver.

Matagal daw talaga ang pag produce nito dahil bukod sa dami ay mabusisi at tinitiyak na maiiwasan ang discrepancy sa mga entries ng impormasyon.

“Pagpasensyahan niyo na po yung delay dahil sa dami po talaga ng pino- produce na mga, pine- personalize na mga ID ay natatagalan but ina- assure po naming mare release din yan in time ang inyong mga ID.”

Leave a Reply

Your email address will not be published.