CAMARINES NORTE – Tiniyak ng Philippine National Police Highway Patrol Group na nakaalalay sila sa local police sa pagsasagawa ng Comelec checkpoint kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay HPG Provincial Officer PCapt Miguelio Borromeo halos araw- araw umano silang kasama ng iba’t- ibang Municipal Police Stations sa pagsasagawa ng checkpoint.
Umapela naman ang opisyal sa mga motorista na makipagtulungan sa mga awtoridad sa ginagawang checkpoint dahil ito naman aniya ay para na rin matiyak ang ligtas at mapayapang eleksyon.
Ipinatutupad ng mga pulis sa pagsasagawa ng checkpoint ang “plain view doctrine” o titingnan lang ang loob ng mga sasakyan at hindi pupuwersahin na buksan ito.
Kailangan lamang ibaba ng mga motorista ang bintana ng sasakyan at buksan ang ilaw sa loob ng sasakyan kapag dumaraan sa mga checkpoint. Mahigpit namang ipagbabawal ang pagdadala ng armas at kanselado rin ang permit to carry firearms outside of residence simula noong August 28.
