LEGAZPI CITY โ Kinumpirma ng Office Of the Civil Defense (OCD) Bicol na nailikas na ang aabot sa 2,406 na pamilya o humigit-kumulang 10,000 indibidwal na apektado ng nag-aalburutong Bulkan Mayon sa Albay.
Sa hiwalay na datos ng Albay Police Provincial Office, ang mga evacuees ay mula sa mga barangay na pasok sa 6 kilometers permanent danger zone o mula sa mga bayan ng Daraga, Camalig, Malilipot, Guinobatan at lungsod ng Tabaco.
Sa mga nasabing lugar, pinakamarami sa mga nailikas ang mula sa Malilipot na umaabot sa 900 pamilya o nasa mahigit 3,000 mga indibidwal.
Sa kaparehong datos, 19 na evacuation centers na ang naokupa at inaasahang mas dadami pa dahil nagpapatuloy ang isinasagawang preemptive evacuation.
Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy ang pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong residente.
Katunayan, kaninang umaga, personal na bumisita si DSWD Sec. Rex Gatchalian sa lalawigan.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sa kalihim, sinabi niya na alinsunod ito sa kautusan ng pangulo na i-check ang mga lumikas, at makipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan maging sa mga LGU ng mga apektadong lugar.
Ayon sa kanya, ito ay upang mapunan ng kanilang ahensya ang mga pangangailangan ng bawat LGU para sa mga evacuees.
Tinungo ng kalihim ang mga evacuation center; tiningnan ang sitwasyon ng bodega ng provincial capitol sa Provincial Engineering Office sa Camalig kung saan nakaimbak ang family food packs mula sa ahensya.
Samanatala, dumalo rin ang kalihim sa pagpupulong ng PDRRMC Albay na pinamumunuan ni Governor Atty. Edcel โGrexโ Lagman.