Iba’t- ibang kasuutang pang santo at santa ibinida sa ginawang March of Saints sa bisperas ng Undas sa Diocese of Daet

CAMARINES NORTE- Isinagawa muli ngayong taon sa Diocese of Daet ang March of Saints sa bisperas ng Undas kung saan tampok ang mga kalahok na pawang nakadamit ng santo at santa.

Hindi nagpatinag sa malakas na pagbuhos ng ulan ang mga participants mula sa iba’t- ibang parokya na nag- ikot sa kasentruhan ng Daet.

Nagsimula ang parada ng mga nakadamit pang santo at santa sa Paroquia De San Juan Bautista patungo sa Holy Trinity Cathedral.

Pagkatapos nito ay ginanap ang Pontifical Concelebrated Mass na pinangunahan ni Bishop Rex Andrew Alarcon na dinaluhan ng ilang mga kaparian mula sa iba’t- ibang parokya.

Sa kaniyang homily binigyang diin ni Bishop Alarcon na sa bawat kasuutang tampok sa March of Saints ay sumasagisag sa taong banal.

Aniya, umiikot sa buhay ng mga santo at santa ang simbahan na nagiging inspirasyon sa bawat mananampalataya.

Ipinapakita umano ng pagdiriwang ang tatlong mahahalagang bagay tulad ng kabanalan na ibinibigay para sa lahat.

Ang biyayang ito aniya ng kabanalan ay kailangang gamitin at palaguin ng bawat isa sa gitna ng mga kahinaan.

Kung susuriin daw kasi ang buhay ng mga banal ay makikitang sila man ay may mga nagawang kasalanan at hindi ang pinakamagagaling.

Dagdag pa ng Obispo na sa gitna ng nakapakaraming “uncertainty” sa buhay dahil sa pandemya, climate change, economic crisis at iba pa ay hinihimok ang bawat isa na magtiwala sa Diyos.

Ang kabanalan din umano na sinasagisag ng mga kasuutang tampok sa aktibidad ay ang paanyayang magsumikap na maging tapat sa Diyos sa gitna ng mga kasalanan.

Ang March of Saints ay tugon din ng simbahan sa lumalaganap na maling paniniwala kung saan sa halip na solemneng ipagdiwang ang araw ng mga banal ay ginagawa ng ibang katatakutan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *